Social Amelioration Program: Duguan na si Kapitan

Social Amelioration Program. Ang pinakamainit na putahe na pinag-uusapan sa kasalukuyan. Bawat kanto. Bawat tahanan. Bawat tambayan. Si Kapitan ang pinagbibidahan. Walang duda. Duguan na si Kapitan.

Ano nga ba ang Social Amelioration Progam? Sa huling batas na pinirmahan ni Pangulong Duterte noong March 25, 2020, ang Republic Act No. 11469 o mas kilala sa tawag na Bayanihan To Heal As One Act of 2020.

SOCIAL AMELIORATIO PROGRAM

Sa pamamagitan ng RA 11469, binibigyan si Pangulong Duterte ng “special power” na magsagawa ng mga desisyon upang matugunan ang hamon ng COVID-19 na kasalukuyang kinakaharap ng Pilipinas.

Kasama sa kapangyarihang ito ang mag-reallocate, mag-realign, at mag-reporgram ng budget ng halos P275 bilyon mula sa national budget na may kabuuang P438 bilyon bilang pantugon sa corona virus pandemic.

SOCIAL AMELIORATION PROGRAM

Mula pa rin dito, inatasan ang Department of Social Welfare and Development na ipatupad ang tinatawag na Social Amelioration Program kung saan nag-release na ng halagang P100 bilyon ang Department Budget Management, April 2, para sa tinatayang 18 milyong mahihirap na pamilya sa bansa.

Sinasabi din dito na tatangap ng P5,000 – P8,000 ang bawat pamilya depende sa prevailing minimum wage ng kanilang rehiyon.

Bagama’t sinabi na “bawat pamilya” na low-income ang tatanggap nito, nagbigay pa rin ng espisipikong beneficiaries ang gobyerno.

SOCIAL AMELIORATION PROGRAM

Sinabi din ni Pres. Duterte na tinaggal na niya sa proseso ng pagpapatupad ng Social Amelioration Program ang mga pulitiko dahil DSWD na ang mamahala ng pagpapatupad nito.

Itong mga pahayag na ito ang pinanghahawakan ngayon ng mga tao. Pero kung uusisain din, medyo magkaiba ang sinasabi ng national government kumpara sa ipinautupad sa ground o sa barangay.

At dito na nagsimula ang pagiging duguan ni Kapitan.

Kung titingnan, sinasabi na “lahat ng mga Pilipinong no work no pay” ay tatanggap.

Lahat?

Kung sinasabi na lahat, then lahat mabibigyan. Pero ayon sa ipinaliliwanag ng DSWD Field Officers sa pamamagitan ng MSWD, isa lamang kada pamilya ang makakatanggap ng P5,000 o P8,000.

Balikan natin ang mga sinasabing target o mga dapat na benepisaryo ng Social Amelioration Program.

FROM THE INSIDE:

Ganito ang senaryo. Halimbawa, sa sariling pamilya ko, ako ay isang driver, yung nanay ko ay senior citizen, yung kapatid kong babae ay isang PWD, then “no work, no pay” naman ang isa ko pang kapatid. Idagdag natin sa halimbawa na lahat kaming magkakapatid ay wala pang asawa o wala pang sariling pamilya.

Bale sa aming pamilya, apat (4) kami na pasok sa mga sinasabing beneficiary. Tanong. Makakatanggap ba kaming lahat, kaming apat (4) ng tig-P5,000.00 sa ilalim ng Social Amelioration Program?

Hindi. Ayon sa DSWD, isa lang, or isa lang kada pamilya.

Dito hirap magpaliwanag ang mga Kapitan. Dahil ang intindi ng nakararami, LAHAT AY MABIBIGYAN. At namimili si Kapitan ng binibigyan ng Social Amelioration Card.

May pamimili nga bang nagaganap?

Technically, mayroong pamimili na nagaganap. Paano? Ang programa na mismo ang namili ng bibigyan, at ito nga ay ang mga sisabing “target beneficiary”. Kaya namimili si Kapitan ng bibigyan.

Ang Social Amelioration Card ay isang “profiling tool” ng mga beneficiary. May mga katanungan dito na dapat sagutan ng beneficiary.

Ano naman ang isyu sa Social Amelioration Card?

Hindi porke nabigyan ka ng Social Amelioration Card ay awtomatiko ka nang makakatanggap. Dahil iva-validate pa ng DSWD ang mga impormasyon na inilagay o ang mga kasagutan na ibinigay sa bawat katanungan sa Social Amelioration Card.

Isa pa, kung sa isang household at mayroong dalawang pamilya, then dalawa din ang dapat mabigyan ng Card.

Pero kahit pa sabihin na pasok ka sa mga target beneficiaries, malaking katanungan pa rin ito. Dahil maaring pagbasehan ng DSWD ang katatayuan, hanap-buhay o ang kinikita ng kapamilya.

Magbigay uli tayo ng halimbawa sa bagay na ito. Ang mother ko ay senior citizen at isang PWD ang kapatid ko. Then ako naman ay kumikita. O kaya mayroon akong kaunting negosyo na pinagkakakitaan. O kaya government employee ako. Magkakasama kami sa isang pamilya sa iisang bahay. On the assumption din na wala pang asawa yung kapatid ko na PWD.

Makakatanggap ba ang mother and kapatid ko? HINDI. Dahil may kasama sila sa bahay na kahit paano ay kumikita. Ako yun.

Pero makakatanggap sila kung magkakahiwalay kami ng bahay, o kaya may asawa na o may sariling pamilya yung kapatid ko na PWD.

Paano kung mag-isa lang sa bahay ang senior citizen ko na mother? On the assumption na may sarili na rin akong bahay. Makakatanggap pa rin ba ang mother ko? OO at HINDI.

OO. Kung wala siyang inaasahang mga anak na sumusuporta sa kanya.

HINDI. Kung tumatanggap siya ng pension. HINDI, kung nasusuportahan siya ng kanyang mga anak.

Duguan na naman si Kapitan sa bagay na yan. Dahil baka kaya hindi na-qualify ang isang beneficiary ay dahil baka daw kesyo namili si Kapitan ng paaarpubahan sa DSWD.

Bakit hindi pa lahat ay nakakatanggap ng Social Amelioration Card? Itinatago daw ni Kapitan. At namimili daw si Kapitan ng binibigyan. Lagot na naman si Kapitan!

Ang dumating na Social Amelioration Card sa MSWD ay iiimprenta pa. Mayroong bar code ang bawat isang kopya nito. At dahil may bar code, hindi ito pwedeng ire-produce o i-xerox ng maramihan. Indibidwal at bawat isa ang pagpi-print nito.

So kung may 15,000 pamilya mayroon ang isang bayan mula sa lahat nitong barangay, 15,000 pirasong Social Amelioration Card din ang dapat na i-print.

Sa panahong ito, maaring nabigyan na ang mga Kapitan ng sapat na bilang ng forms. Pero paalala uli mga kabayan. Ang bilang ng forms na kanilang natatanggap ay kung ano lamang ang bilang na inilaan para sa kanila ng DSWD.

Sa isang news sa TV, yung isang barangay sa Antipolo City, mayroon silang 30,000 na mahihirap na pamilya. Pero 6,500 lang ang ibinigay sa kanila ng DSWD.

Sabi nga ng Kapitan ng barangay,

“Para kaming ginawang berdugo na kami ang pipili ng mga dapat naming gutumin at kung sino yung mga bibigyan namin ng pagkain.”

Hindi madaling posisyon ng mga Kapitan yan. Milya milya pa ang layo, pero sa paningin ng iba, kulay pulitika at kulay eleksyon na. Na kesyo ang pinipili lang daw ni Kapitan ay iyung kanyang mga kaalyado lang.

Sa isang meeting na naattendan natin kung saan ipinaliliwanag ng MSWD ang SAP, sa totoo lang, ayaw nang tanggapin ng mga Kapitan ang responsibilidad ng pamimigay ng forms.

Una, dahil sinabi na nga ni Pres. Duterte na tinaggal na niya ang partisipasyon ng mga pulitiko sa pagpapatupad ng programa. Pero eto, sila pa rin ang inuutusan ng DILG na gawin ito. Again, taliwas ito sa sinasabi ng mga opisyales sa national TV.

Pangalawa. Ayaw na nilang tanggapin dahil nakikita na nila na ganito na nga ang mangyayari -ang maakusahan sila na may pinipili at namumulitika gamit ang SAP. Sabi ng mga Kapitan, mas madali pa sana kung lahat ng pamilya ay bibigyan. Pero ang kaso, hindi ganun ang sistema ng SAP.

Kaya eto, lupaypay uli si Kapitan.

Kapag ganito ang nangyayari, malakas pa sa balingoyngoy ang daloy ng dugo sa ilong ni Kapitan.

Sabi din ni Pres. Duterte, DSWD ang mamamahala sa pagpapatupad ng Social Amelioration Program.

Tinanggal ko sa pulitiko ang distribution ng pera. Pati ang bigas, ang pagkain. Binigay ko kay Secretary Bautista. Lahat na yan. Kasi itong DSWD, may sariling distribution network na yan.

Pres. Rodrigo Duterte

Ayon kay Pres. Duterte, tinanggal na ang mga pulitiko sa proseso ng pagpapatupad ng Social Amelioration Program. Pero mga barangay official o ang Kapitan ang binigyang mandato na mag-distribute ng Social Amelioration Card sa mga beneficiaries.

Nagbigay pa ng babala si DILG Undersecretary for Barangay Affairs Martin Diño na maaring matatanggal sa pwesto at makukulong kapag pineke ang Social Amelioration Card.

Pakinggan ang warning ni DILG Usec. Martin Diño sa 2:54mins.

Eto, warning na ‘to. Dun sa mga nagbabalak na barangay official na fake-in ito. Makukulong kayo. Hindi lang kayo matatanggal sa pwesto, makukulong kayo.

DILG Usec. Martin Diño

May kalalagyan na naman si Kapitan!

Siguro ang nakikita nating mali dito, ay masyadong generalized ang sinasabi ng mga nasa itaas. Hindi nila sinabi na mayroong mga kondisyones na kailangang sundin bago makatanggap ang sinasabi nilang beneficiaries. Hindi nila kinalimutan ang pananakot sa mga barangay officials na makukulong kapag nagkamali sa pamimigay o pagbibigyan na beneficiaries. Eh wala naman silang ibinibigay na BLACK AND WHITE and in writing ng mga kondisyones para dito. Ang laging nakabalandra lang ay iyung mga target o dapat na beneficiaries. Na siya namang pinanghahawakan ng ating mga kababayan.

Sa banda naman ng ating mga kaabayan, lawakan din sana natin ang ating pang-unawa. Sa mga Kapitan nakaatang ang mas malaking obligasyon at responsibilidad sa kasalukuyang ipinapatupad na enhanced community quarantine. Walang tigil na rin ang mga yan. Magaling na kung naasikaso pa nila mga pamilya nila sa araw-araw na pag-duty sa Barangay Hall.

At ang masaklap pa rin niyan, hindi sila makakatanggap ng Social Amelioration Program kesyo dahil Kapitan na sila. At kwestyunable pa rin kung makakatanggap ang iba tulad ng Barangay Tanod at iba pang auxiliary group ng barangay kahit pa nagpapagod at nagpupuyat din sila sa pagtupad ng kanilang tungkulin.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.