OMECO sa Rotonda ng Mamburao

Sa araw-araw na kumakain ako ng lomi sa KIA’s Eatery sa Rotonda (Mamburao – Abra de Ilog – Paluan), lagi ko rin napapansin ang poste ng OMECO na ito.

INSIDE STORIES:

Hindi naman para sabihin na nasa gitna ito ng Rotonda. Pero prominente ito sa gilid ng ‘Welcome’ structure papasok ng bayan ng Mamburao, Occidental Mindoro. Siguro sumasablubong din ang OMECO sa mga dumarating sa Mamburao at nagpapahiwatig na matatag at maayos ang kanilang serbisyo.

ALCAIDE'S GRILLED BURGER AND MORE
Click on to see more of Alcaide’s Grilled Burger and More!

Mga Tanong Sa Poste Sa Rotonda

Sa hitsura ng poste, mukhang matibay at matatag nga ito. Pero ang laging tanong ko, ‘allowed’ ba na maglagay ng poste ng kuryente sa Rotonda? Bakit naman kaya pinayagan na maglagay dito ng poste? Ano naman kaya ang legal basis ng OMECO para dito? Kanino sila nagpaalam?

Daming tanong. Pero saan ba tayo pwede makakakuha ng kasagutan?

OMECO AT MAMBURAO ROTONDA
OMECO AT MAMBURAO ROTONDA

Ano naman ang implikasyon nito sa kanilang serbisyo? Hindi malayo na mas naging maayos ang kanilang serbisyo sa mga barangay palabas ng kabayanan ng Mamburao, papunta ng bayan ng Abra de Ilog at Paluan.

Mabuti kung ganon. Pero sa susunod na panahon, paano na? Hindi malayo na ito naman ang isa sa mga magiging dahilan para maantala na naman ang serbisyo ng kuryente. Bakit ika ‘nyo?

Taberna Bridge At OMECO

Kung inyong matatandaan, inabot na ng dalawang taon bago pa muling nasimulan ang pagsasa-ayos ng Taberna Bridge sa pagitan ng Brgy. Payompon at Brgy. Balansay sa bayan ng Mamburao. Sikat ang Taberna Bridge dahil ito ang tulay na bakal na lubak-lubak din sa gitna. Tampulan na ito ng hinanakit ng mga biyahero dahil sa kalagayan nito. Sabi nga ng iba, bakit hindi ito ang inuna sa mga ginawa o pinalapad na tulay sa MAPSA area.

Kung hindi tayo nagkakamali, 2018 o 2019 pa sinimulang galawin ang Taberna Bridge. Inuna lang na itayo ang detour o access road nito. Pero nang mabuksan ito, naiwan na ang Taberna Bridge mismo.

Sa ating pagkakaalam, ipinatawag ng Sangguniang Bayan ng Mamburao ang DPWH at OMECO para hingin ang paliwanag kaugnay nito. Ayon sa mga nakausap natin, dalawang beses nabago ang disenyo ng tulay. At ang pinakahuli ay dahil sa OMECO. Tama ba?

Sa mga impormasyon pa na ating nakalap, hindi umano lumakad ang pag-aayos ng tulay dahil mayroong mga poste ng OMECO na nakapwesto sa gagawing approach road nito. Dagdag pa diyan na magkaiba pa ang presyo ng kontrata ng OMECO at DPWH – Occidental Mindoro sa paglilipat ng mga poste. Kumbaga, halimbawa, P300,000.00 ang estimate ng DPWH, then P500,000.00 naman ang estimate ng OMECO.

OMECO AT MAMBURAO ROTONDA
OMECO AT MAMBURAO ROTONDA
Paglilipat ng OMECO ng kanilang poste na nakaharang sa daan ng Taberna Bridge sa pagitan ng Brgy. Payompon at Brgy. Balansay. May 11, 2021.

Hind na natin nakuha ang tamang halaga. Pero malinaw na magkaiba ang kanilang estimates. Pero sa huli ay nagkasundo din sila, kung kaya’t nasimulan ang paglilipat ng poste ng OMECO nitong buwan ng Mayo 2021. At ang resulta? Kabi-kabilang brownout sa Mamburao.

Anong kinalaman ng poste ng OMECO sa Rotonda sa Taberna Bridge?

Maaaring wala. Pero sa kalsada, meron.

Sa mga nagdaang taon, nakita natin ang pagiging agresibo ng gobyerno para magsagawa ng road widening, lalo na sa mga main highway.

RELATED VIDEOS:

Road Widening

Simula Mamburao Bridge palabas ng Brgy. Payompon, nariyan na ang road widening. At kung susundan ang lapad ng kalsada papunta ng Paluan, sigurado na hagip ang poste ng OMECO. At kung magkagayon, kakakailanganin na ilipat ng poste na nasa Rotonda.

Nakailang bagyo na ang dumaan. Nasira na ang ‘Welcome To Mamburao’ sa ‘center island’. Pero hindi na ito ginagalaw ng Mamburao LGU dahil nga sa hagip ang nasabing rotonda ng road widening.

Imposible naman siguro na hindi alam ng OMECO ang ROAD WIDENING PROJECT ng gobyerno. Binigyan pa nga sila ng DPWH ng pondo para sa paglilipat ng mga poste.

OMECO AT MAMBURAO ROTONDA
Ang pinatibay na itaas na bahagi ng poste sa Rotonda. Mukhang hindi pa katagalan ang pagkakalagay ng mga ito sa poste.

Wala tayong idea kung kailan napatayo ang nasabing poste. Pero napagtuunan natin ito ng pansin nang mabalitaan natin na poste ng OMECO ang isa sa mga dahilan kung bakit hindi agad magawa ang Taberna Bridge. At sa hitsura nito, mukhang talagang pinatibay ito. Ganun din ay tila bago pa rin lang ang mga nakakabit sa itaas na bahagi nito.

Paano kapag dumating ang panahon ng gagawin na ang road widening mula Mamburao Bridge patungo sa direksyon ng Rotonda? Maghihintay na naman ang DPWH na tanggalin ng OMECO ang kanilang poste? Pag nagkataon, asahan na naman ang brownout.

Teka. Baka ang idahilan na naman ng OMECO ay ‘pagtaas ng demand ng kuryente’.

Abangan ang susunod na kabanata ng tambalang OMECO at DPWH.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.