Mayor Lyn Tria: 50 katao lang ang pwede sa Mamburao

Sa isinagawang pagpupulong ng Incident Management Team / Task Force Meeting na pinangunahan ng Provincial Government, dinepensahan ni Mayor Lyn Tria ang nauna nang desisyon ng Mamburao Task Force na limitahan ang bilang ng pumapasok sa bayan ng Mamburao.

Nabuksan ang usapin at sinagot ito ni Mayor Lyn Tria matapos umapela ang bayan ng Abra de Ilog, nirerepresenta ng kanilang Municipal Health Officer Dra. Jovi Galang, na madagdagan ang bilang na mapayagang makapasok ng Mamburao mula sa kanilang bayan.

FROM THE INSIDE:

LYN TRIA PUNTO MINDORO
Abra de ILog Municipal Health Officer Dra. Jovi Galang.

Sa meeting ng Mamburao Task Force, napagdesisyunan na 50 lamang ang papayagan mula Abra de Ilog na makapasok ng Mamburao kada araw. Bunsod ito ng kapansin-pansin na pagdami ng tao sa bayan partikular mula sa mga kalapit na barangay na sakop ng Abra de Ilog.

Bukod pa riyan ang pagpasok ng mamimili ng isda sa Mamburao.

LYN TRIA PUNTO MINDORO
Mamburao Municipal Health Officer Dr. Paul Mark Rasing,

Ayon kay Mayor Tria, nabuo ang desisyon dahil na rin sa mga balita na ang mga nasabing mamimili ng isda ay nakakaliban sa kabilang probinsya kung saan marami ang bilang ng nag-positibo sa Covid-19.

“Naiintindihan nyo naman siguro. Lahat tayo dito, gusto nating maproteksyunan ang ating kanya-kanyang bayan”, paliwanag ni Mayor Tria.

Dagdag pa ni Mayor Tria, dinagsa ang bayan ng Mamburao ng tao mula sa mga kalapit na bayan dahil sa pagwi-withdraw ng beneficiaries ng 4Ps kung saan naging isyu ang social distancing.

LYN TRIA PUNTO MINDORO
Occidental Mindoro Gov. Ed Gadiano

“Kami po ang pinupuna ng Kapitolyo, ng DILG dahil sa paglabag sa social distancing. Binabatikos kami sa Facebook, hindi naman taga Mamburao yun”, ayon pa kay Mayor Tria.

Sa parte ng Abra de Ilog, ayon kay MHO Dra. Jovi Galang, walang bangko sa kanilang bayan at kasalukuyang hindi nag-ooperate ang mga money transfer establishments. Wala rin umano silang malalaking grocery store. Kaya humihiling siya na patuloy na mapagbigyan ang kanyang kababayan na makapasok sa Mamburao dahil karamihan naman ng mga ito ay bank transactions ang pakay.

Dito na namagitan sina Gov, Ed Gadiano at PDRRMO Mario Mulingbayan na nagsisilbing tagapagpadaloy ng programa.

LYN TRIA PUNTO MINDORO
Occidental Mindoro PDRRMO Mario Mulingbayan

Ayon kay Mulingbayan, kung maaari ay gawing 100 ang allowed na bilang ng maaring makapasok sa Mamburao.

Maari namang mapagbigyan ang bagay na ito ayon kay Mayor Tria, subalit kailangan pa rin ang sistema.

Para naman kay Gov. Gadiano, may dahilan si Mayor Tria para gawin o ipatupad ang nasabing desisyon. Ito ay dahil sa, tulad ng San Jose sa SAMARICA, Mamburao ang nagsisilbing pamilihan ng MAPSA area. At hindi lang mamimili ng Abra de Ilog ang pinag-uusapan, dahil papasok din sa Mamburao ang mula sa Paluan at Sta. Cruz, bukod pa ang sariling mamamayan.

Hiling na lang ni Gov. Gadiano na upuan ng dalawang bayan ang isyu, kasama ang kanilang Municipal Health Officers.

LYN TRIA PUNTO MINDORO
Mayor Lyn Tria at Municipal Health Officer Dr. Paul Mark Rasing habang komukonsulta sa isa’t isa habang pinaguusapan sa meeting ang desisyon ng Mamburao Task Force.

Sa pagtatapos ng meeting, nauna nang nag-usap sina Dr. Paul Mark Rasing (Mamburao MHO) at Dra. Jovi Galang upang pagkasunduin ang sistema ng dalawang bayan.

Ayon naman kay Mayor Tria, bukas ang linya ng komunikasyon at regular naman silang nag-uusap ni Mayor Eric Constantino tungkol sa bagay na ito.

LYN TRIA PUNTO MINDORO
Mamburao Mayor Lyn Tria.

Inaasahan na uupuan ng MAPSA area LCEs ang usapin para sa mas maayos na daloy ng mga transaksyon sa kani-kanilang bayan at karatig bayan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.