Health protocols, muling hinigpitan sa Mamburao

Muling hinigpitan ang pagpapatupad ng health protocols sa bayan ng Mamburao dahil sa dumadaming kaso ng Covid-19.

Ito ang pangunahing napagkasunduan sa dalawang pagpupulong na ginanap kahapon ng Municipal IATF kasama ang Kapitan ng lahat ng barangay.

INSIDE STORIES:

Checkpoints

Inatasan ni Mayor Lyn Tria ang mga Kapitan na higpitan ang pagbabantay sa kanilang nasasakupan lalo na sa gabi pagsapit ng curfew hours. Sa dami ng kanilang ‘force multipliers’ tulad ng Barangay Tanod/Police, dapat aniya silang naka-deploy sa mga kalye para sitahin o hulihin ang lumalabag sa curfew hours.

Inatasan din si Mamburao MPS COP PMAJ Rodrigo Borlado, Jr. na i-supervise ang mga itatayong checkpoint o chokepoints sa barangay. Ipinaubaya naman niya sa mga Barangay Chairman ang mga lokasyon nito dahil mas pamilyar aniya sila kung saan ang mga strategic locations sa kanilang lugar.

HEALTH PROTOCOLS MAMBURAO
Kon. Boy Maneja.

Paalala ni Kon. Boy Maneja, mayroong umiiral na ordinansa na nagtatakda ng multa sa sinumang lalabag sa curfew hours, na kung kinakailangan ay ipataw ito para malaman ng mga tao na seryoso ang pamahalaang bayan sa kampanya upang maiwasan ang pagkalat ng Covid-19.

Inaatasan din ang mga barangay na mag-sumite ng assignment details ng kanilang mga Barangay Tanod at kung saan naroon ang kanilang choke points.

Isa pa rin sa layunin nito ay upang mahuli ang mga nagmo-motor sa gabi na madalas ay nakakatakas dahil walang nagbabantay sa mga kalye sa barangay.

Sa suhestyon ni Kap. Joel Dule ng Brgy. 2, dapat aniyang may kooperasyon ang magkakalapit na barangay. Kung sakali man na kaunti lamang ang Barangay Tanod ng isang barangay, maaari aniyang i-augment ng katabing barangay. At para mahuli ang mga tumatakas sa check points, makabubuti na mapagtulungang mabantayan ang mga kalye sa kanilang lugar na nilulusutan ng mga naka-motor lalo na pagsapit ng curfew hours.

HEALTH PROTOCOLS MAMBURAO
Mamburao Municipal Health Officer Dr. Paul Mark Rasing.

Sitahin ang business establishments

Noong nagdaang linggo ay kinausap na ng Municipal IATF ang mga business establishments na nag-ooperate hanggang gabi. At dahil nga sa pagdami ng kaso ng Covid-19, pumayag naman sila na magsara ng tindahan bago mag alas diyes ng gabi na siyang simula ng curfew hours.

Ganun pa man, sa pagpupulong kahapon, mayroon pa ring tindahan na nananatiling bukas hanggang alas-onse ng gabi, ayon na rin sa report na nakarating kay Mayor Tria.

Dahil dito, inatasan niya ang mga barangay officials na bantayan din ang mga business establishments sa kanilang lugar. Maging sa araw ay dapat umano silang sitahin kung hindi nagpapatupad ng health protocols.

Paglimita sa mga picnics

Isiniwalat din ni Mayor Tria sa nasabing pagpupulong ang mga reports na marami pa rin ang pumupunta sa dagat o ilog para magpicnic. Hindi rin naman ito kaila dahil mayroong mga nagpo-post pa sa social media ng mga larawan ng kanilang pagsasaya.

Dapat aniya itong malimitan, kahit hanggang sa susunod na dalawang linggo dahil nga sa biglaang pagtaas ng Covid-19.

Sinegundahan naman ito ni Kap. Albert Cortuna ng Brgy. Talabaan. Aniya, tuwing araw ng Sabado at Linggo ay dinadagsa ang  Pagbahan River ng mga nagpi-picnic. Nakita umano niya ang kawalan ng disiplina ng mga tao kapag naliligo at nag-iinom na.

Suhesyon ng Municipal IATF at iba pang Barangay Chairman, maari naman niya itong sitahin at limitahan lamang ang papayagan na magpunta sa Pagbahan River.

Babala sa barangay officials

Para masiguro ang pagtalima ng mga barangay officials, maging ang Municipal IATF ay maglilibot sa pangunguna ng grupo ng PMAJ Borlado ng Municipal Police Station.

Maggagawa din ng Monitoring Form kung saan mamarkahan ang mga barangay na makikitang hindi nagpapatupad ng mga health protocols o hindi nagbabantay sa kanilang lugar.

HEALTH PROTOCOLS MAMBURAO

Ang nasabing Monitoring Form ay isusumite sa Municipal IATF kalakip ang sipi ng kopya para sa DILG.

Ayon kay MLGOO Memviluz Baurile, sa kasalukuyan ay mayroong mga barangay officials na ‘under monitoring’ base sa dokumento na ipinadala sa kanya ng DILG Regional Office. Maaari umanong bumigat ang kanilang kakaharapin kung madadagdagan pa ng mga reports ng kanilang hindi pagpapatupad ng health protocols at hindi pagbabantay sa kanilang lugar.

Disinfection ng places of convergence

Para pa rin maiwasan ang pagkalat ng Covi-19, kinakailangan ang regular na disinfection ng mga kinokonsiderang ‘places of convergence’. Ito ang mga lugar kung saan regular na pinupuntahan ng mga tao. Kasama na rin dito ang mga business establishments.

Sa kasalukuyan ay ang Mamburao Bureau of Fire Protection ang pangunahing nagsasagawa ng disinfection. Pero dahil sa dami ng mga lugar na dapat ma-disinfect, maging ang mga barangay officials ay inatasan na rin na magsagawa nito sa kanilang nasasakupan.

HEALTH PROTOCOLS MAMBURAO

Napagkasunduan din na dapat mag-disinfect ang may-ari ng mga business establishments. Bibigyan na rin sila ng ‘notice’ sa mga susunod na araw tungkol dito.

Paliwanag ni Mamburao Fire Marshal SFO3 Vincent Almero, kailangan magsumite ng formal request sa opisina ni Mayor Lyn Tria kung mayroong nais magpa-disinfect.

Naisa lamang aniya na mayroon silang maipakita o panghawakan sa pagkakataon na ma-delay ang kanilang pagresponde kung sakali man na magkaroon ng sunog.

Nariyan na ang Covid-19

HEALTH PROTOCOLS MAMBURAO
Mamburao Mayor Lyn Tria.

Paliwanag ni Mayor Lyn Tria, nakapasok na ang Covid-19.

‘Napangalagaan natin ang Mamburao sa loob ng isang taon. Pero nariyan na ang Covid-19. Ngayon pa ba tayo magpapabaya?’

MAYOR LYN TRIA

Dagdag pa niya, i-isantabi na muna ang takot sa pulitika. Ngayon aniya ang panahon para higit na maghigpit. Dapat aniyang mapigilan ang pagkalat ng Covid-19. At kung dadami pa ang mga aktibong kaso nito, mas malaking problema ang kakaharapin ng bayan ng Mamburao.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.